SA gitna ng lumalakas na panawagan ng mga mamamayan laban sa malawakang katiwalian sa pamahalaan, sinampahan ng reklamo ng mga empleyado ng Department of Health (DOH) ang mismong Kalihim ng naturang ahensya bunsod ng umano’y korapsyon sa likod ng mga depektibong mobile primary care facilities.
Ang halaga — tumataginting na P1.8 bilyon.
Batay sa reklamong isinampa sa Office of Ombudsman, partikular na tinumbok sina DOH Secretary Teodoro Herbosa, Undersecretary Glen Matthew Baggao, Brigida Romualdez-Aquino at Allan Tope, na umano’y nagsabwatan sa procurement process ng mga mobile primary care facilities na ipinamahagi ng kagawaran sa 83 lalawigan.
Ang masaklap pa anila, 62 sa 83 primary mobile care units ang hindi napakinabangan. Ang dahilan — depektibo ang kagamitang sadyang binili para sa mga malalayong lalawigan.
Kabilang naman sa mga isinumiteng ebidensya ang “dinuktor” na Terms of Reference (TOR) para ipanalo sa bidding ang supplier na napag-alamang kasabwat din sa katiwalian.
“Plantsado na kung sino mananalo sa bidding bago pa man magsimula,” ayon sa isang bahagi ng reklamo laban kay Herbosa at iba pa.
Sa datos na ibinahagi sa Office of the Ombudsman, tinukoy rin ang mga probinsyang pinagdalhan ng mga depektibong mobile primary care units — Cotabato, Bukidnon, Camiguin, at ilang bahagi ng Mindanao.
Hindi rin umano mapakinabangan ang mga primary mobile care facilities na dineliver sa Siquijor at Zamboanga del Norte.
Gayunpaman, aminado ang mga nagreklamong empleyado na suntok sa buwan ang pagsasampa ng reklamo laban sa DOH chief. Tulad ni former House Speaker Martin Romualdez, kamag-anak din umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Herbosa.
Bilang patunay, inilahad ng mga nagreklamo ang sinapit ng tatlong DOH career executive service officer (CESO) na sinibak ni Herbosa sa pwesto matapos kwestyunin ang mga irregularidad sa naturang departamento.
Panawagan ng mga DOH employees sa Office of the Ombudsman, maglabas ng preventive suspension laban kina Herbosa at iba pa, habang iniimbestigahan ang kaso. (LILY REYES)
