HAYAGANG inalmahan ni Senador Jinggoy Estrada ang reklamong plunder and indirect bribery na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Sa huling araw ng palugit na ibinigay ng Department of Justice (DOJ), personal na nagtungo si Estrada sa punong tanggapan ng kagawaran para sa pagsusumite at panunumpa sa kontra-salaysay na naglalayong itanggi ang alegasyon ng pagtanggap ng kickback mula sa pondong inilaan ng gobyerno sa imprastrakturang naglalayon ibsan ang problema sa pagbaha.
Samantala, kinumpirma ni Atty. Bianca Soriano na tumatayong abogado ng senador, ang paghahain ng kontra-salaysay ni Estrada sa mga reklamong kinakaharap.
Sa affidavit ni Estrada, partikular na kinuwestyon ng senador ang reklamong isinampa ng NBI, kasabay ng giit na hindi nasunod ang panuntunan sa paghahain ng complaint affidavit.
Aniya, liham lang na may kalakip na ‘affidavit’ ang isinumite ng kawanihan sa DOJ.
Kinuwestyon din ng kampo ni Estrada ang bigat at kredibilidad ng mga ebidensya at maging ang umano’y “inconsistency” ng mga salaysay na ginamit sa kaso.
