YAMAN din lamang wala pa rin inilabas na temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema, marapat lang na umusad na ang impeachment trial ng Senado sa mga kasong inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
PAra kay Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua, hindi na dapat maghintay ang Senado sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa petisyon na inihain ng kampo ng pangalawang pangulo.
“Sa ngayon, dapat po mag-proceed pa rin ang (impeachment) trial hangga’t hindi ito pinapahinto ng Korte Suprema,” ang tigas na sabi pa ni Chua, na miyembro ng House prosecution panel at tumayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa nakaraang 19th Congress
“Hangga’t wala pong [TRO] na inilalabas ang ating Korte Suprema, meron po tayo laging presumption of regularity or legality. Kaya sa amin pong paniniwala, dapat po mag-proceed na po ang trial,” giit ni Chua.
Ginawa ng Manila lawmaker ang pahayag sa isang press conference sa Batasan Complex kung saan nanawagan din siya sa High Tribunal na ibasura na ang hirit ng bise presidente. Partikular na tinukoy ni Chua ang hirit ni Duterte na isantabi ang articles of impeachment na isinumite ng Kamara sa Senado.
Nilinaw naman ni Chua na ang hinihinging impormasyon ng Korte Suprema ay may kinalaman laman sa timeline at mga detalye ng proseso ng mga reklamong impeachment.
“Ito po ay magiging base rin sa kanilang magiging desisyon. Kaya mahalaga po na kami po ay makapag-comply. In so far as the impeachment complaint naman, ay ako po naniniwala na hindi naman po ito makakaapekto,” ani Chua.
“Maliwanag naman po ‘yung hinihingi ng Supreme Court. Ito po ay parte ng pagresolba sa issue na binato sa kanila. At ito pong mga hinihingi naman ay maiko-comply naman namin sa House,” saad pa ng mambabatas.
“Hindi lamang po ang House, pati ang Senado ay hinihingian din ng compliance at makakaasa po kayo na hindi ito makakaapekto sa kung anuman ang nakabinbin na impeachment complaint dito,” punto rin niya.
Para kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, nauunawaan niya ang pangamba ni Mamamayang Liberal Partylist lady solon at dating senador Leila de Lima ukol sa posibleng judicial overreach, lalo na sa bahagi ng utos ng SC sa Kongreso.
Paliwanag ni Ridon, may karapatan ang Korte Suprema na suriin kung nasunod ba ng lehislatura ang one-year bar rule, alinsunod sa mga desisyong Francisco at Gutierrez.
“So ginagalang po natin ‘yan. At again, hindi po ito pwede gamitin ng Senate impeachment court na dahilan para hindi po magtuloy, again, doon po sa kanilang constitutional mandate to try and decide the impeachment case of Vice President Sara Duterte,” giit ni Ridon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
