
Comelec chair George Garcia
SINABI ng Commission on Elections na posibleng higit pa sa 1,000 tatakbo sa barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 30 ang mahaharap sa disqualification.
Nilinaw ni Comelec chair George Garcia na hindi sila basta-basta magdidiskwalipika ng kandidato kundi hahawak sila ng matitinding ebidensiya bago kumilos upang matiyak na walang sablay sa kanilang gagawin.
Idinagdag nito na ang naunang 35 disqualification case na isinampa laban sa mga sumuway sa batas ng Comelec ay inisyal na bilang pa lamang.
“On Monday, 40 disqualification cases will be filed. The same (number) of cases will be filed on Tuesday, and then Wednesday… The task force will file cases every day,” ayon pa kay Garcia.
Noong Biyernes ay nagsampa ng disqualification cases laban sa 35 kandidato mula sa Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon dahil sa maagang pangangampanya.
“The 35 candidates facing disqualification cases are due to premature campaigning. These are based on complaints we received in the social media accounts of Comelec. There were also letters and videos sent to us by concerned citizens,” dagdag pa ni Garcia.
Ang disqualification cases ay pagdedesisyunan bago ang Oktubre 30 at ang mga mapapatunayang nagkasala ay agad tatanggalin sa listahan ng mga kandidato.
Anuman ang kahihinatnan ng kaso, sinabi ng Comelec na mahaharap pa rin ang mga ito sa paglabag sa batas ng poll body.
Gayunman, maaarii pa rin silang magsampa ng apela sa Korte Suprema hinggil sa desisyon ng Comelec.
“They can go to the Supreme Court to appeal. The law says that five days after the Comelec en banc issues a decision, the name of the candidate will be removed from the list despite any appeal that has been filed,” ayon pa kay Garcia.