DALAWANG buwan matapos maaresto sa Timor Leste, bahagyang umusad ang hirit na extradition request ng Department of Justice (DOJ) para sa kustodiya ng puganteng former Negros Oriental Rep. Arnie Teves na nahaharap sa mahabang talaan ng kasong kriminal sa bansa.
Gayunpaman, inamin ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na wala pang katiyakan kung kailan ganap na maibabalik sa Pilipinas ang wanted na kongresista.
Ang dahilan – wala pang desisyon ang Court of Appeals ng Timor Leste sa rekomendasyon ng Ministry of Justice ng naturang bansa.
Positibo naman si Clavano na kakatigan ng Court of Appeals ng Timor Leste ang extradition request ng Pilipinas para harapin ang mga kasong kriminal na inihain laban si Teves na dim umano’y utak sa likod ng mahabang talaan ng pamamaslang sa lalawigan ng Negros Oriental – kabilang ang insidenteng naganap sa bayan ng Pamplona kung saan pinatay si Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.
“Preparations is on the way, hinihintay pa namin ang Court of Appeals doon sa Timor Leste dahil pinasa na ng Ministry of Justice ang ating request sa CA, yong proseso po kasi diyan, dadaaan po muna sa screening ng Ministry of Justice yong extradition request natin, pasado na po, finorward na po ang ating extradition request sa Court of Appeals,” ani Clavano.
“All we can do at the moment is wait,” pagtatapos ng opisyal.
