Ni Estong Reyes
PINALAGAN ni Senador Ronald dela Rosa ang timing ng House resolutions na humihiling sa Marcos government na makipagtulungan sa International Criminal Court’s (ICC) probe hinggil sa drug war ng Duterte administration.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng drug war noong nakaraang administrasyon, na tila ginagatungan ng Mababang Kapulungan ang ICC upang patahimikin pamilya Duterte.
“Bakit ngayon lang ‘yan nagsipaglabasan itong mga resolution kung kailan nagkakaroon ng gusot between the Speaker of the House (Martin Romualdez) and Vice President (Sara) Duterte and former President (Rodrigo) Duterte?” ayon kay Dela Rosa sa interview.
“Parang bang the people are thinking that, ‘Are they going to weaponize the ICC in order to silence the Dutertes?’ ‘Yon ang nagiging tanong,” dagdag niya.
Sa ngayon, umabot na sa tatlong resolusyon ang nakahain sa Mababang Kapulungan hinggil sa pagpabor sa imbestigasyon ng ICC kay dating Pangulong Duterte. Bukod kay Duterte kasama sa listahan ng iniimbestigahan ng ICC sina Dela Rosa, dating justice Secretary Vitallano Aguirre at ilang pang indibiduwal.
Kabilang sa naghain ng resolusyon sina Representatives France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Daniel Manuel ng Makabayan bloc; Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. at 1-Rider Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez; at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.
Naghain na rin ng hiwalay na resolusyon si Senador Risa Hontiveros sa Senado hinggil sa kooperasyon ng administrasyon sa ICC probe laban kay dating Pangulong Duterte.
“Maybe they thought tatahimik si former president Duterte kapag tinatakot nila about ICC…‘yon ang komento na naririnig ko from people discussing…this issue,” giit ni Dela Rosa.
Pero, inamin ni Dela Rosa na lubha itong nagulat sa paghahain ng resolusyon maliban sa inihain ng Makabayan lawmakers.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICC sa drug war matapos ibasura ang Appeals Chamber ng korte ang petisyon ng Philippine government laban sa pagbabalik ng probe.
Ayon kay Dela Rosa, kailangan magkaroon ng kinatawan ang Pilipinas sa The Hague upang makipagkasundo sa Rome Statute na raratipikahan ng pangulo at pagtitibayin ng Senado.
Noong nakaraang linggo, inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ng administrasyon ang muling pagbalik ng bansa sa ICC, pero iginiit na “no jurisdiction” na mag-imbestiga sa drug war.