
Ni Estong Reyes
INIHAYAG ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa lahat ng naghain ng resolusyon hinggil sa pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) na dapat makakuha ito ng 2/3 boto ng bilang ng miyembro ng Senado, alinsunod sa Saligang Batas.
Sa pahayag, sinabi ito ni Dela Rosa matapos magpasaring si Pangulong Ferdinan Marcos J., na may posibilidad na bumalik ang bansa sa ICC na nag-iimbestiga sa drug war ng nakaraang administrasyon.
“If you want to rejoin, dadaan pa rin ‘yan sa proseso,” ayon kay Dela Rosa, dating police chief na nagpatupad ng drug war ni dating President Rodrigo Duterte na iiniimbestigahan ng ICC.
“After the president’s ratification, it has to be concurred by the Senate by a two-thirds vote. So that’s the process. Back to zero back to square one,” aniya sa interview.
Sinabi ni Dela Rosa na kapag nabigong idaan sa tamang proseso ang pagbabalik ng bansa sa ICC, lalabag ito sa Saligang Batas. Pero, kumpiyansiya si Dela Rosa na baka hindi aprubahan ng Senado ang Rome Statute. “I don’t think so.”
“The Senate is composed of 24 independent republics. Nobody can dictate these 24 independent republics sa isang… one stroke mapa-oo mo, mahirap,” aniya.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ng Palasyo na pinag-aaralan ang posibilidad na bumalik sa International Criminal Court, na nag-iimbestiga sa drug war ng Duterte administration.
“Should we return under the fold of the ICC? So that is again under study. So we’ll just keep looking at it and see what our options are,” ayon kay Marcos.
Sinabi ni Dela Rosa na kanyang sinasandigan ang pahayag ni Marcos na walang dayuhan na dapat magdikta sa Pilipinas kung sino iimbestigahan o aarestuhin.
“It remains a possibility. But very clear ‘yung sinabi ng ating Pangulo that hindi kailangan, hindi dapat makialam ang ICC. Hindi kailangan na tagalabas pa, mga banyaga pa ang magsabi sa ating pulis kung sino dapat ang hulihin, sino ang dapat arestuhin, sino dapat ang ikulong,” ayon kay Dela Rosa.
halos nahinto ang imbestigasyon ng ICC sa drug war ni Duterte nang bumaklas ang Pilipinas sa sakop ng Rome Statute.
Tinaya ng ICC prosecutors na aabot sa mahigit 12,000 hanggang 20,000 ang napatay ng Duterte administration sa war on drugs sa loob ng anim na taon.