SA gitna ng kabi-kabilang problema sa bansa, may dahilan pa rin para magsaya matapos masungkit ni Pinoy gymnast Carlos Yulo ang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Partikular na nanaig ang 24-anyos na si Yulo, ang kauna-unahang Pinoy gymnast na olympic gold medalist, sa huling yugto ng men’s floor exercise sa Bercy Arena kung saan nakapagtala ang pambato ng Pinas ng 15.000 points – bahagyang mas mataas sa iskor ng atleta ng Israel na nakapagtala ng 14.996 points.
Laglag naman sa pangalawang pwesto – katumbas ng medalyang pilak – ang 2020 Tokyo Olympics gold medalist na si Artem Dolgopyat ng Israel. Bronze medal naman ang napunta kay Jake Jarman ng Great Britain.
Magugunitang hindi man lang nakapasok si Yulo sa huling yugto ng 2021 Tokyo Olympics matapos makapagbuslo lang ng 13.566 points.
Bukod sa gintong medalya, nakatakda naman tumanggap ng santambak na insentibo ang Pinoy gymnast sa pagbabalik ng Team Philippines sa bansa.
Bago pa man naging olympic gold medalist, higit na kilala si Yulo sa paghahari sa larangan ng gymnastics sa World Championships, Asian Championships, at Southeast Asian Games.
