IBINASURA ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang petisyong kumukwestyon sa hurisdiksyon sa kaso ni former President Rodrigo Duterte.
Una nang iginiit ng kampo ng dating pangulo na walang basehan ang pagsasakdal kay Duterte lalo pa’t kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute Marso ng taong 2019.
Subalit para sa Appeals Chamber, saklaw pa rin ng ICC ang kaso. Ang dahilan — naganap ang umano’y krimen sa panahong miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas.
Katunayan anila, sinimulan ng ICC ang preliminary investigation sa madugong giyera kontra droga ni Duterte Pebrero ng taong 2018. Marso ng nasabing taon nang pormal na lumiham ang administrasyong Duterte hinggil sa pagkalas sa ICC.
Sa ilalim ng Rome Statute, magkakabisa lamang ang pagkalas ng isang bansa isang taon matapos matanggap ang opisyal na abiso.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng malawakang patayan sa likod ng kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
