HINDI totoo na walang kapangyarihan ang Department of Agriculture (DA) para bigyan ng solusyon ang patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan, ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo.
Partikular na kinastigo ni Quimbo ang pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa di umano’y kawalan ng poder ng kagawaran sa mga usapin ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Giit ni Quimbo na tumatayong senior vice chairperson ng makapangyarihang House Committee on Appropriations, may malinaw na legal provisions na nagbibigay kapangyarihan sa DA para labanan ang price manipulation, hoarding, profiteering at rice cartel sa bansa.
“Huwag niyo po sanang sasabihin na wala po kayong kapangyarihan na habulin ang mga taong nagsasabwatan at nagpapataas sa presyo ng bigas dahil hindi po totoo ‘yan,” wika ni Quimbo kay DA Undersecretary Asis Perez, na kinatawan ni Secretary Laurel sa pagdinig ng House Quinta Committee.
Inihayag ni Laurel sa unang bahagi ng House inquiry na tali ang kamay o walang sapat na awtoridad ang DA para resolbahin ang high rice prices at nanawagan pa sa Kamara na bigyan ang kagawaran ng dagdag na kapangyarihan kontra price manipulation, profiteering, at iba pang maling gawain na nakakaapekto sa lokal na sektor ng agrikultura.
Subalit pagbibigay-diin ni Quimbo, sa isinasaad ng Section 10 ng Price Act, malinaw na binibigyan nito ng kapangyarihan ang DA sa usapin ng umiiral na presyo ng bigas.
“The law allows the department to conduct investigations, impose fines of up to P1 million, seize basic necessities, and initiate prosecutions. Nakasulat po dito, kayo ay implementing agency and pwede kayong mag-conduct ng investigation, pwede po kayong magmulta. Yun po ang naka-indicated dito. Tama?” ani Quimbo nagsilbing economics professor bago naging kongresista.
Nagtataka ang Marikina City lady solon kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa kabila nang pagkakaroon ng oversupply at tariff reductions sa ilalim ng Executive Order 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng EO 62, ibinaba sa 15 percent ang taripa ng imported rice mula sa dating 35 porsyento.
Ayon kay Quimbo, base sa datos na kanyang nakalap, ang landed cost ng rice ay nasa P34.21 kada kilo noong Hulyo at ito’y bumaba pa sa P33 ngayong Disyembre.
“The world price of rice dropped enough to offset the peso’s depreciation. The weakening of the peso is not a valid excuse,” dagdag pa niya, na sinuportahan naman ni Department of Finance Director Jolly La Rosa.
Pinaalalahanan din ni Quimbo ang DA sa nilalaman ng inamyendahang Rice Tariffication Law na maaaring magdeklara ang ahensya ng isang food security emergency at gamitin ang P5 billion pondo para mapatatag ang presyo ng bigas.
“You can use P5 billion to intervene in the market. Pwede kayong mag-import at gamitin yan, ibenta ninyo katulad ng ginagawa niyo today, magbenta ng bigas at P42,” mungkahi pa ng ranking House official.
Ang Quinta Committee ay binuo sa pamamagitan ng House Resolution 2036 na inihain nina Speaker Martin G. Romualdez at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, na kinabibilangan ng House Committees on Ways and Means, on Trade and Industry, on Agriculture and Food, on Social Services, at ng Special Committee on Food Security.
Pangunahing layunin ng quinta committee alamin at magkapaglatag ng rekomendasyon para tuldukan ang tila hindi maawat na pagtaas sa presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin para protektahan na rin ang mga Pilipinong mamimili. (Romeo Allan Butuyan II)
