SA kabila ng Executive Order 74 na inilabas ng Palasyo, patuloy ang pamamayagpag ng illegal offshore gaming companies sa tulong ng isang opisyal sa gobyerno, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay Director Winston Casio na tumatayong tagapagsalita ng PAOCC, katuwang umano ng hindi pinangalanang government official ang mga illegal POGO baguhin ang registration sa Securities and Exchange Commission (SEC) para magmukhang lehitimo.
Ang bagong anyo – Business Process Outsourcing (BPO) na mas kilala sa tawag na call center.
“Hindi maglalakas-loob ang mga yan kung walang ka-kuntsaba,” pahayag ni Casio, kasabay ng pag-amin na marami sa mga pinasarang POGO ang nag-apply na para magtayo ng call centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“May mga personalidad na kaming iniimbestigahan ngayon… sila yung mga dating mga POGO na biglang nag-apply na maging BPO, business process outsourcing, nakakatakot ito,” dugtong ni Casio.
Nang tanungin kung sino. Sinabi ni Casio na huhubaran ang pagkakakilanlan ng government official na kasabwat ng mga il;legal POGO sa sandaling isampa ng ahensya ang kaso sa mga susunod na linggo.
“Mayroon kaming mga case folder na nakahanda. Siguro before the end of the month or maybe next month eh may mga tao sa gobyerno na makakasuhan sa pakikipagtulungan ng komisyon sa Department of Justice at saka sa Department of the Interior and Local Government,” aniya pa.
“Huhubaran natin sila sapagkat sila ang anay sa ating gobyerno na dapat talagang kalusin.”
Pinakamarami aniya ang nasilip na POGO sa Metro Manila.
………….
