DAAN-DAANG mga sosyalistang manggagawa at mga urban poor ang nakatakdang magmartsa patungo sa Commission on Elections (Comelec) sa Pebrero 24 sa hudyat ng alas-10:00 ng umaga para sa natatanging kampanya.
Taliwas sa karaniwang panunuyo ng mga tinaguriang trapo (traditional politicians), isang panawagan ang nais iparating ng Kilusan ng Manggagawang Socialista Inc. sa mga botante — huwag iboto ang mga kandidato sa pagka-senador na konektado sa mga political dynasty, katiwalian, krimen, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Tampok sa tinaguriang “Declaration Rally” ang adbokasiyang “Wag Iboto sa Senado” ang pangalan ng mga senatorial bets na anila’y hindi karapat-dapat bigyan ng pagkakataon sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Kabilang sa mga inaasahang “ikakampanya” ng grupong Socialista sina reelectionist Senator Bong Revilla, Imee Marcos, Pia Cayetano, Lito Lapid, Bong Go, Bato dela Rosa, Abby Binay, Camille Villar, Erwin Tulfo, Ben Tulfo at Apollo Quiboloy.
Bahagi ng protesta ang pagsira, paglalagay ng dumi at pagmamarka ng ekis (X) sa tarpaulin ng mga partikular na kandidato bilang simbolo ng pagtutol sa anila’t patuloy na pamamayagpag ng mga trapo sa senado.
Para sa mga Socialistang manggagawa, napapanahon nang tuldukan ang “career” ng mga politikong sangkot sa krimen, tulad ng extrajudicial executions, panggagahasa, pagprotekta sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), pang-aagaw ng lupa, at pagkakasangkot sa PDAF at Pharmally scams.
Ang rally ay gaganapin sa opisina ng Comelec na matatagpuan sa Palacio del Gobernador, General Luna St., Intramuros, Manila.
