NI ESTONG REYES
Sa lawak ng panawagan ng iba’t-ibang sektor na humihikayat sa senado para simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, walang nagawa si Senate President kundi magkasa ng isang pulong kasama ang mga kapwa mambabatas para sa isang konsultasyon.
“I Will consult the others if they want to and if they are available,” wika ni Escudero kaugnay ng mungkahi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na magpatawag ng caucus sa hanay ng mga miyembro ng mataas na kapulungan.
Gayunpaman, nilinaw ni Escudero na mananatiling tablado ang mungkahing special session lalo pa aniya’t naka recess ang Senado. Aniya, hindi malayong umabot sa korte ang usapin kapag nagpatawag ng impeachment trial ang Senado sa gitna ng bakasyon.
Hindi na rin aniya kailangan ang kilos-protesta para gumalaw ang Senado sa Articles of Impeachment na ikinasa ng Kamara laban kay Duterte.
Samantala, muling iginiit ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol partylist Rep. Jil Bongalon na obligado ang Senado simulan ang impeachment trial batay sa 1987 Constitution.
“Whether may clamor yan o wala, eh sinasabi ho ng Constitution na meron tayong obligasyon, trabaho na mag-convene as the Senate sitting as an impeachment trial court,” ani Bongalon.
Ipinadala ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment matapos lagdaan ng 215 kongresista ang reklamo laban kay Duterte noong Pebrero 5.
Una nang sinabi ni Escudero na maaaring maaksyunan ng Senado ang Articles of Impeachment sa pagbabalik ng sesyon nito sa Hunyo 2. (Dagdag ulat mula kay Romeo Allan Butuyan II)
