
MULING pinatunayan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na seryoso ito sa paghahabol sa mga hindi sumusunod sa tamang pagbabayad ng buwis matapos na pormal na ihain sa Department of Justice (DOJ) ang P8.7-billion tax evasion case laban sa large-scale illicit vape businesses.
Mismong si BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang nanguna sa pagdulog sa Justice department para kasuhan ang mga traders na nasa likod ng pagbebenta ng vape brands na Flava, Denkat, at Flare.
“Today, the BIR has filed criminal cases for tax evasion against large-scale illicit vape businesses. They have failed to pay 8.7 billion pesos in taxes. We have warned all those who want to enter the vape industry to register with the BIR and pay proper taxes. This is what happens when you keep violating our tax laws,” ang mariing pahayag ng BIR chief.
Ayon kay Lumagui, ang mga nabanggit na vape products na nabigong magbayad sa pamahalaan ng nasa ₱8,681,028,850.82 excise taxes.
Dagdag pa ng BIR head, kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga illicit trader ay ang unlawful possession of vape products without payment of excise tax, base sa itinatakda ng Section 263; tax evasion naman sa ilalim ng Section 254, at failure to file excise tax returns, batay sa Section 255 naman, kapwa ng National Internal Revenue Code of 1997.
Sinabi ni Lumagui na ang pagsasampa na ito ng mga kasong kriminal ay bahagi nang mas pinaigting nilang kampanya laban sa negosyanteng lumalabag sa kanilang tax obligations at tiniyak niyang magpapatuloy ang kanilang operasyon kung saan hinimok din niya ang publiko na suportahan at makiisa sa kampanya ng kawanihan.
“Expect more criminal cases to be filed against illicit vape traders. Whether your business is large or small, as long as you sell illicit vape, you will be imprisoned,” pagbibigay-diin pa niya.
Nagbabala naman ang BIR head sa mga celebrity at social media influencer na maging maingat sa pag-i-endorso ng vape products partikular na tiyaking munang legitimate at tax-compliant ang produktong kanilang ipo-promote.
“Celebrities and influencers found to be in conspiracy with illicit vape traders will also be imprisoned. Illicit vape ends now,” dagdag ni Lumagui.
Simula nang ipatupad ng BIR vape stamp system at pagkakaroon ng aktibong pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI), nagkaroon ng malaking pagtaas sa vape excise tax removals and payments partikular simula noong June 2024.