
WALANG dapat ipangamba ang mga mamamayan sa pagpasok ng tag-ulan, ayon sa National Food Authority (NFA) kasabay ng garantiyang sapat ang buffer stocks ng palay sa imbakan ng pamahalaan para sa susunod na anim na buwan.
Sa isang kalatas, inihayag ni NFA Administrator Dr. Larry Lacson na umabot na ang imbak na palay sa 3,365,245 kaban – katumbas ng 168,262 metriko toneladang nabili di umano ng ahensya sa mga lokal na magsasaka.
Para kay Lacson, malaking bentahe ang desisyon ng NFA Board na itaas ang antas ng buying price ng tuyong palay sa presyong P23 hanggang P30 kada kilo.
Kumbinsido rin ang NFA chief na mas masigasig na ngayon ang mga magsasaka na magtanim ng palay dahil di na nila kailangan bumigay sa pambabarat at pagsasamantala ng mga pribadong rice traders.
Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na patuloy na pa rin ang kanilang pamamakyaw ng mga palay na ani ng mga lokal na magsasaka hanggang sa maubos ang pondong inilaan ng gobyerno para bilhin ang palay mula sa mga sakahan sa bansa.
Sa pagtataya ng NFA, kaya pa ng ahensya bumili hanggang 495,000 metriko tonelada ng palay sa kasalukuyang taon.