
BIGO man si Vice President Sara Duterte sa hirit na confidential at intelligence funds sa kanyang tanggapan at kagawarang pinamumunuan, nanindigan ang Kamara de Representantes na higit na angkop na ang pasyang ilipat ang tinapyas na pondo sa mga ahensyang nangangasiwa sa seguridad ng bansa.
Sa nawalang P650 milyong hirit ni Duterte para sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), nakatakda naman maghati-hati ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Agency (NSC) at Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay House Appropriations Committee chairman Rizaldy Co (Ako Bicol partylist), P300 milyon ang inilipat sa NICA, habang nasa P200 milyon naman ang iginawad sa PCG. Maging ang NSC, naambunan ng P100 milyong intelligence fund na pwede lang aniyang gamitin sa pangangalap ng impormasyong may kinalaman sa seguridad ng bansa.
Ginawaran din ng P381.8 milyon (mula sa iba pang departamentong tinggalan ng CIF) sa ilalim ng panukalang 2024 budget ang Department of Transportation para sa pagsasaayos ng paliparan sa Pag-asa Island sa lalawigan ng Palawan.
Bukod sa OVP at DepEd, kabilang rin sa tinanggalan ng CIF – batay sa rekomendasyon ng komite ni Co – ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Agriculture (DA), at Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kabuuang P1.23 bilyong inilaan para sa seguridad ng West Philippine Sea.
Dagdag pa ng House panel chair, sa halip na confidential funds ay Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na lamang aniya ang tatanggapin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (P30 milyon), DICT (P25 milyon), DFA (P30 milyon), Office of the Ombudsman (P50 milyon) at Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) ng DepEd na pinaglaanan ng P150 milyon.