
BUKOD sa kontrobersyal na confidential and intelligence fund (CIF), pinangahasan na rin ng Kamara ang iba pang isinusulong na alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) sa bisa ng re-alignment.
Sa pahayag ni House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co ng Ako Bicol partylist group, nasa P194 billion ang kanilang ni-realign mula sa panukalang 2024 national budget sa hangaring tugunan ang walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Pag-amin ni Co, ang naturang hakbang ay bunga ng rekomendasyon ng Appropriations Committee bilang mekanismo kontra inflation.
Sa P194 biltong ni-realign ng Kamara, P20 bilyon ang gagamitin ng Department of Agriculture sa rice subsidy program upang mapababa ang presyo ng bigas. Nasa P40 bilyon naman ang ibinigay sa National Irrigation Administration (NIA) para sa pagpapatayo ng mga solar-driven irrigation pumps at subsidizes communal irrigation.
Pasok din ang Philippine Coconut Authority na binigyan ng P4.5 bilyon. Sa naturang halaga, P2 bilyon ang para sa pagtatanim ng mga binhi, P1.5 bilyon para sa bakuna kontra African Swine Fever (ASF) at P1 bilyon sa Philippine Fisheries Development Authority para sa pagtatayo ng fishery at post-harvest facility sa Palawan at Kalayaan Group of Islands.
Maglalaan din ani Co ng karagdagang pondo para matulungan ang mga maralitang Pilipino sa ilalim ng mga sumusunod ng programa:
- P43.9 bilyon sa DOH para sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP); legacy at specialty hospitals; cancer assistance; communicable diseases program; at health facility enhancement;
- P1 bilyon sa UP Philippine General Hospital para sa MAIP;
- P35 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Program;
- P17.5 bilyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers/Government Internship Program;
- P10.4 bilyon para sa DOLE-Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Training for Work Scholarship Program; at
- P17.1 bilyon para sa Commission on Higher Education Tertiary Education Subsidy and Tulong Dunong Program.