KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) ang isinasagawang imbestigasyon para sa ikinakasang plunder complaint laban kina Senador Jinggoy Estrada, former Sen. Bong Revilla at resigned Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng ahensya, partikular na sinisilip ng DOJ ang partisipasyon nina Estrada, Revilla at Co sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Katunayan aniya, Enero 5 pa nagsimula gumulong ang “preliminary investigation” para sa plunder complaints, bukod pa sa paglabag Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Paglilinaw ng kagawaran, ang mga plunder cases ay hindi ibinalik o ni-refer ng Office of the Ombudsman kundi direktang inihain ng NBI sa DOJ.
Sa ngayon aniya, aabot na sa 24 na reklamo ang iniimbestigahan ng DOJ.
Bukod sa tatlong plunder cases, lima na umano ang “submitted for resolution” na may kinalaman sa mga proyektong nasungkit ng Syms Construction.
Anim na kaso ang kinasasangkutan ng Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc., habang 13 naman ang inihain ng Bureau of Internal Revenue. (JULIET PACOT)
