KINALAMPAG ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Health (DOH) na magpalabas ng guidelines sa pagkuha ng medical assistance ng publiko sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Persons (MAIFIP) para hindi na makisawsaw ang mga politiko.
Ayon kay Hontiveros, na tumatayong chairperson ng Senate committee on health, dapat tiyakin ng DOH ang paglabas ng administrative order (sa medical assistance) para ganap na tuldukan ang tinawag niyang “patronage politics.”
Sa ilalim aniya 2026 national budget, malinaw na nakalatag ang proseso at requirements na naglalayong ibsan ng bagong guidelines ang paghihirap ng pasyente na makakuha ng tulong pinansyal sa gobyerno nang walang pinagkakautangan ng loob tulad ng mga pulitiko.
“Klaro ang naging desisyon namin sa Senado at House: Hindi na dapat mag-door-to-door pa sa mga opisina ng pulitiko para manlimos ng guarantee letters para lang makapagpagamot,” ani Hontiveros.
“Kaya inaasahan ko na klaro din sa DOH na ang bagong guidelines na ilalabas nila tungkol sa MAIFIP ay dapat magpadali sa pagkuha ng tulong at hindi lalong magpahirap sa mga pasyente at kanilang pamilya.”
Iginiit ni Hontiveros ang probisyon ng repormang nakasaad sa 2026 national budget tulad ng “anti-epal” provision na inihain ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson — dapat matupad hindi lamang ngayon kundi sa lahat ng pagkakataon.
Idinagdag pa ng senador na nakahanda siyang simulan ang “period of interpellations” sa Senate Bill No. 1593 o ang panukalang Universal Health Care Medical Assistance Program (UHC MAP) na direktang magbibigay ng tulong pinansyal sa pagamutan at pasyente.
“Kapag naipasa ang batas na ito, klaro na hindi na kailangan pang manghingi ang mga pasyente ng GL sa mga pulitiko. Mag-a-apply na lang sila sa mga medical social workers sa ospital at mabibigyan sila ng tulong sa loob ng 72 hours,” ayon Kay Hontiveros.
“Tuldukan na natin ang panlilimos para sa GL. Ang tulong na kailangan ng ating mga kababayan para sa pagpapagamot ay dapat ibigay diretso sa kanila,” ani Hontiveros. “Lahat ng nangangailangan, dapat mabigyan ng tulong. Walang kapalit. Walang kondisyon. Walang palakasan.” (ESTONG REYES)
