November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Kalakalan ng droga, kontrolado ng mga pulis – Duterte

NI ANGEL F. JOSE

KUMBINSIDO si dating Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatuloy ang pamamayagpag ng kalakalan ng droga sa bansa hanggat hindi nabubunot ang ugat ng sindikatong karaniwang pinamumunan ng mga mismong tagapagpatupad ng batas.

Sa isang panayam kamakailan, hayagang inakusahan ni Duterte ang mga kapulisan sa likod ng mga sindikatong nagpapalaganap ng ipinagbabawal na gamot sa lansangan.

“Hindi na mahuhuli (ang utak)… nagkabukuhan lang yan dyan sa ano. Pitong tonelada (ng kumpiskadong droga) ang nasa kamay ng pulis – in the control of the police, without a suspect… I think, ang pulis mismo nasa droga na,” wika ng dating Pangulo.

“Hindi na yan proteksyon or trying to cover up. Ang pulis na mismo ang sindikato.”

Naniniwala rin si Duterte na hindi mas magiging masalimuot pa ang patuloy na imbestigasyon hinggil sa kontrobersiyang kumaladkad sa pulisya – mula sa pinakamababang ranggo hanggang sa mga heneral.

Nang tanungin kung ano ang pinakamabisang solusyon sa lumalalang suliranin ng droga, sinabi ng Pangulo na dapat pagbitiwin lahat ng pulis – “The remedy is to ask everybody to resign… lahat, pati yung mga patrolman.”

Mungkahi ng dating Pangulo, pansamantalang ihalili ang Philippine Army sa trabaho ng pulisya habang naghuhulma ang pamahalaan ng bagong PNP.