PINURI ni Senador Nancy Binay ang Cebu Pacific sa pagtatanggal ng expiration date sa lahat ng travel fund at pagpapalawig ng travel voucher validity sa 18 buwan simula sa Agosto 1.
“We thank Cebu Pacific for heeding the call of airline passengers. Isa sa mga napag-usapan natin noong nakaraang Senate hearing ay ang travel fund at travel voucher. This is just the first step. Malaking bagay itong desisyon ng Cebu Pacific para patunayan na nakikinig sila sa hinaing ng kanilang mga customers,” ayon kay Binay.
Ikinatuwa rin ni Binay ang pagkakaroon ng malinaw na alituntunin sa kompensasyong kalakip ng kanselasyon ng biyahe.
Ayon sa Cebu Pacific, kapag nagkaroon ng problema o disruption sa flight operations, maaaring kumuha ng lahat ng pasahero ng two-way travel voucher para sa kanseladong flight sa loob ng 72 oras, at one-way travel vouchers sa naantalang flight ng apat hanggang anim na oras.
“The safety and convenience of passengers should always be our top priority. Magandang nasagot na ng airline kung ano ba ang pwedeng gawin ng mga pasahero kapag may flight disruptions. I hope na maayos na rin ang hotlines nila at customer service,” aniya.
“I believe this is a step in the right direction to earn back the trust of the public at maresolba ang mga aberyang nararanasan ng ating mga pasahero,” ayon pa kay Binay.
Noong nakaraang buwan, pinangunahan ni Binay ang imbestigasyon ng Senate committee on tourism at Senate committee on public services sa reklamo ng maraming pasahero laban sa Cebu Pacific.
Kabilang sa mga binusisi ni Binay ang di umano’y overbooking, offloading at glitches sa booking flights ng naturang kumpanya.
Sa pagdinig, inamin ng CebuPac ang kanilang pagkakamali sa operasyon at nangakong tutugnan ang reklamo ng stakeholders upang mapaganda ang kanilang reklamo.