ASAHAN ang pagbabawas ng alokasyon ng tubig sa mga negosyo at kabahayan sa National Capital Region (NCR), bunsod ng patuloy na pagkatuyo ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), mas mababa pa sa minimum operating level ang nakaimbak na tubig sa Angat Dam kung saan nagmumula ang 90% ng water supply na kailangan sa Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, nasa 179.99 meters na lamang ang tubig sa Angat – mas mababa ng 0.46 meter kumpara sa 180.45 meter noong Biyernes, Hulyo 7.
Nabatid na nasa 210 meters ang normal high water level o spilling level ng Angat.
Una nang nagbabala ang National Water Resources Board (NWRB) na babawasan ang water allocation sa Metro Manila sa sandaling bumaba ang water level sa Angat.
Bilang pambungad, nakatakdang ipatupad ng siyam na oras na water interruption ang Maynilad sa katimugang bahagi ng Metro Manila at mga karatig lalawigan simula sa susunod na linggo – simula alas 7:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga araw-araw.
Samantala, nasa 98.76 meters ang water level sa Ipo Dam sa Bulacan, 745.32 meters sa Ambuklao Dam sa Benguet habang nasa 236.85 meters ang water level sa San Roque Dam sa Pangasinan at Benguet.
Nasa 179.39 meters naman ang water level sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija habang ang Magat sa Ifugao at Isabela provinces ay nasa 164.81 meters.
Una nang naideklara ng PAGASA na pumasok na ang El Niño sa Pilipinas na mararanasan hanggang unang sangkapat (quarter) ng 2024.