
Ni Romeo Allan Butuyan II
WALANG personalan, trabaho lang.
Ito ang matigas na pahayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng sesyon, kasabay ng pasaring sa mga kritiko ng Kamara gayundin sa ilang kasapi ng Mababang Kapulungan.
“Tatayo ako laban sa sinumang mananakot sa atin para masunod lamang ang gusto nila. Titindig ako – tayong lahat – para sa kapakanan ng bayan. Magkaiba man tayo ng pananaw at paniniwala, nagkakaisa tayong tumitindig kung intaatake ang ating institusyon. Hindi rin natin papayagan ang sinuman na pigilan tayong gampanan ang ating mandato sa ating mga kababayan,” pahayag ni Romualdez.
Ang mga mabibigat na katagang ito ng lider ng mahigit sa 300-member House of Representatives ay bilang tugon sa itinuturing niyang “dissatisfied few” na ang tanging hangaring lamang umano ay basagin ang inilarawan niyang nagkakaisang Kongreso.
Mariin din ipinagtanggol ni Romualdez ang paggamit ng Kamara sa kapangyarihan nito sa paghimay sa 2024 national budget kabilang ang pag-apruba sa realignment ng pondo ng ilang civilian agencies.
“The House was never lenient, nor did it favor anyone. The entire process was dedicated to uplifting the lives of our fellow citizens and staying true to the fundamental principles of the system of checks and balances in the government,” hirit pa niya.
Para kay Romualdez, siya at ang kanyang mga kasamahang mambabatas ay ginawa lamang ang kanilang trabaho sa mahusay na kaparaanan – “Wala pong personalan dito. Trabaho lang.”
“(I am) prepared to stand before anyone and vehemently defend our actions and decisions, even in the face of issues that threaten this institution’s integrity,” pagtatapos ng lider ng Kamara.