Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring puksain ang hayagang pagsasamantala ng ilang rice traders at middlemen, masusing pinag-aaralan ng Kamara ang posibilidad na amyendahan ang batas na nagbabawal na ibenta ang murang bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga pamilihang bayan.
Partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang Republic Act 11203 (Rice Tariffication Act) para bigyan ng pahintulot ang NFA na muling makapagbenta ng murang bigas bilang tulong sa pasanin ng mga maralita laban sa hindi mapigilang pagtaas sa halaga ng basic commodities sa merkado.
“Ginagawa natin ito kasi sabi ng Presidente (Ferdinand Marcos Jr.) we have to find ways na ibaba natin ang presyo ng bigas. So yung tinatarget natin na by June we should bring the price of rice down by at least 10 or even 15 pesos na close to 30 pesos kada kilo,” pahayag ni Romualdez
“We will do this by having the NFA bring to the market affordable rice para sa lahat ng mamamayan na pwede silang bumili ng abot kaya na presyo ng mga 30 pesos. So ito po ang maari nating mga amendments na pinapaspasan natin,” dugtong niya.
Nagpahayag diin ng kahandaan ang lider ng KAmara na araw-arawin ang pagtalakay sa panukalang pag-amyenda sa RA 11203, kasabay ng pangakong pagtibayin ang panukala bago sumapit ang ‘sine die adjournment’ sa Mayo 24.
Panawagan ng House Speaker sa Senado, gawing prayoridad din ang pagrebisa sa naturang batas para sa lalong madaling panahon ay matupad ang pagkakaroon ng mas murang bigas sa mga pamilihan para na rin sa kapakinabangan ng buong sambayanan.
“We urge our friends in the Senate na gawin nila itong urgent and we will ask and coordinate with the Office of the President. Ito po ang gusto talaga ng ating Presidente na ibaba ang presyo ng ating bigas para sa mamamayan,” dagdag pa ni Romualdez.
Para mas mapabilis ang pagpapatibay ng panukalang amyenda, planno rin ng lider-kongresista na personal na magtungo sa Palasyo para pormal na ipaabot ang rekomendasyon hinggil sa pag-amyenda ng RA 11203.
Nanindigan naman si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na kung babalik sa mga pamilihan ang NFA rice, ang mga mamamayan ay maaaring makabili ng bigas na mas mababa ng P10 hanggang P20 kada kilo kumpara sa commercial rice.
Gayunpaman, kailangan muna aniyang alisin ang probisyon ng RA 11203 kung saan sinasabing limitado lang sa buffer stock ang NFA rice.
Himutok ng kongresista, mistulang ginto ang presyo ng mga commercial rice sa merkado – bagay na mabubura kung may NFA outlet sa bawat pamilihang bayan at maging sa mga tindahan sa komunidad.
“It was also fragrant (NFA rice), it was also white, but it was cheaper by P10 [or] P15 per kilo compared to commercial rice,” pagbabalik-tanaw ni Tulfo sa paglalarawan niya sa bigas mula sa NFA na ipinagbibili noon.
