ISANG buwan matapos bayuhin ng bagyong Egay ang mga taniman, pumalo sa P170 kada kilo ang bentahan ng kamatis sa mga lokal na pamilihan, batay sa pag-ikot ng Department of Agriculture (DA).
Ang pinagbuntunan ng sisi ng mga negosyante, ang walang puknat na pananalasa naman ng ulan dulot ng habagat.
Mula sa P3 kada kilo farmgate price noong buwan ng Abril, binebenta na di umano sa halagang P170 kilo ang kamatis sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila.
Buwan ng Hulyo, naglaro sa pagitan ng P60 hanggang P100 ang kada kilo ng kamatis batay sa monitoring ng DA.
Bukod sa kamatis, kabilang rin sa nakitaan ng pagtaas ng presyo ang repolyo na binebenta na ngayon sa halagang P180 kada kilo (mula sa dating P150), bitsuelas sa P210 per kilo (mula sa P120), patatas sa P150 per kilo (mula sa P140), pechay Baguio, P180 per kilo (mula sa P140), sayote sa P110 per kilo (mula sa P70), ampalaya sa P160 per kilo (mula P120),pechay Tagalog sa P140 per kilo (mula sa P100) at talong sa P140 per kilo (mula sa P120).
Tumaas naman ng P11 per kilo ang bigas kumpara sa antas noong nakaraang buwan.
Ayon sa DA, lubos na apektado sa pagtaas ng presyo ang mga high-value crops sa pinsalang inabot ng hindi bababa sa 1.510 ektaryang taniman sa Cordillera, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna Batangas, Rizal, Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Western Visayas, Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos) at Caraga region.
Samantala, inaasahan naman magpapatuloy ang pagtaas sa presyo ng bigas sa merkado hanggang sa inaasahang pagsapit ng anihan sa Oktubre.
Karagdagang Balita
DEDMA: WARRANT OF ARREST KASADO VS. 4 OVP OFFICIALS
PAHABOL SA NTF-ELCAC: P7.5M ALOKASYON KADA BARANGAY
PASTOR APOLLO QUIBOLOY, DINALA SA OSPITAL – PNP