
HINDI kabilang sa talaan ng mga kinaladkad sa maanomalyang P2.4-bilyong laptop deal noong kasagsagan ng pandemya ang kumpanyang pinaniniwalaang pag-aari ng isang partylist congressman.
Para kay Senate Minority Floor Leader, obligasyon din ng Office of the Ombudsman na panagutin din ang kontratistang ka-transaksyon ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) kaugnay ng pagbili ng 39,583 sinaunang laptop sa halagang P58,300.
Taong 2021 nang igawad ng PS-DBM ang laptop procurement deal sa Sunwest Construction and Development Corporation, LDLA Marketing and Trading Inc., at VST ECS Philippine Inc. Batay sa mga nakalap na record mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), isang prominenteng partylist congressman ang may-ari ng Sunwest – isang construction company.
Bagamat kumbinsido si Pimentel na wasto lang ang pagpapataw ng suspensyon sa mga pinaniniwalaang kasapakat sa bulilyaso, nanawagan si Pimentel sa Ombudsman na isapubliko ang totoong nangyari batay sa nakalap na ebidensya sa likod ng sabwatan sa pagitan ng kumpanyang ginawaran ng kontrata at mga tiwaling opisyales ng pamahalaan.
“The Ombudsman’s decision to impose preventive suspension sends a strong signal that any alleged wrongdoing will be treated seriously. It is equally vital to thoroughly examine the role of the contractor in this anomalous transaction, from its background to how it secured the contract,” ani Pimentel, kasabay ng giit na silipin kung paano nakopo ng Sunwest ang bonggang supply deal.
.“We must delve into the specifics of how these companies managed to secure the contract. Were there any irregularities in the bidding process? We must uncover the truth behind this contentious procurement to prevent such incidents from occurring in the future,” ayon pa sa senador.
Nagpalipad rin ng patutsada si Pimentel sa PS-DBM na aniya’y walang ginawang hakbang para i-blacklist ang kumpanyang pag-aari ng kongresista, batay sa rekomendasyon ng Commission on Audit.
Sinuspinde kamakailan ng Ombudsman ang 12 opisyales ng DBM at Department of Education (DepEd) matapos makitaan ng sapat na ebidensya batay sa alegasyon.