ITINANGGI ng mga militanteng kongresista sa Kamara ang di umano’y nilulutong impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng giit na masyado pang maaga para itulak ang pagpapatalsik sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Gayunpaman, hayagang inamin ni ACT Teachers Rep. France Castro na pinaghahandaan ng Makabayan bloc ang paglabas ng Commission on Audit (COA) report hinggil sa confidential funds na inilaan kay Duterte.
“Wala kaming pinaghahandaang impeachment, ang pinaghahandaan namin ay itong report ng COA. Malinaw na dapat kung mayroong confidential funds, it is expressly provided in the budget. So mahalaga ito. Wala kaming nakita,” ani Castro sa isang panayam sa radyo.
“Yung usapin ng impeachment, premature pa ito. Masyado lang siguro na-play up,” dagdag pa ng militanteng kongresista.
Para kay Castro, mas mainam kung ang Pangalawang Pangulo mismo ang dumalo sa Kamara sa sandaling isalang ang deliberasyon hinggil sa panukalang budget para sa Office of the Vice President – nang sa gayon aniya maipapaliwanag ni Duterte kung saan hinugot ng nasabing opisyal ang P125 milyon confidential funds ng OVP noong nakaraang taon.
Ayon pa kay Castro, hindi bahagi ng 2022 General Appropriations Act ang confidential funds.
“So kung may confidential expenses, may confidential funds. So saan nanggaling yung confidential funds? Tinransfer ba ito ng Pangulo? Ito ang mga question na kailangan sagutin,” patutsada ng mambabatas.
“Wala pa kami sa planong impeachment… pag-aaralan kasi may something kami [na nakita] na may violation sa Constitution pero hindi pa ‘yun talaga ang main namin,” dadag pa ng partylist congresswoman.
Aminado si Castro na hindi madaling busisiin ang confidential funds.
“Very scandalous na sa panahon ng kasalukuyang OVP… ay humingi ng P500 million. One hundred fifty million naman sa DepEd. Hindi ito nao-audit agad. So maitatago mo ang mga expenses.”
Una nang sinabi ng OVP sa isang pahayag na ginastos ng naaayon sa batas ang confidential funds ng naturang tanggapan.