ILANG araw bago sumapit ang araw ng Pasko, tuluyan nang sinibak ni Secretary Vince Dizon ang dalawa opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y rumaraket bilang supplier at subcontractor sa mga proyekto ng naturang kagawaran.
Sa lingguhang Kapihan sa Maynila, mismong si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang nagsiwalat sa pagsibak sa serbisyo ng dalawang hindi pinangalanang DPWH officials.
Nang tanungin sa pagkakakilanlan ng dalawang opisyal, sinabi lang ng batang kongresista na kapwa mataas ang pwesto ng mga sinasabing sinibak sa pwesto — isang assistant secretary at isang direktor ng naturang ahensya na umano’y kapwa rekomendado ng nagresign na si former DPWH Undersecretary Arrey Perez.
Konektado rin umano ang mga naturang opisyal kay Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist Rep. Edwin Gardiola.
“Companies connected with Gardiola have been able to secure P100 billion in projects from the DPWH, ayon pa sa mambabatas.
Una nang pinangalanan ni Leviste si Gardiola na umano’y “namamakyaw ng mga proyektong ibinebenta naman sa mga kapwa kontratista.” (JULIET PACOT)
