SA gitna ng patuloy na pambabarako ng China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone, isang bagong ulat mula sa isang kilalang international think tank ang naglantad sa tunay na sitwasyon sa West Philippine Sea.
Batay sa pag-aaral ng Stratbase ADR Institute, lumalabas na patuloy na lumalawak ang ambisyon ng bansang China – bagay na mahigpit na tinututulan ng Pilipinas sa paraang diplomatiko at alinsunod sa umiiral na pandaigdigang batas.
Ayon kay Stratbase ADR Institute president Prof. Victor Dindo Manhit na sa ang pagtatanggol ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay hindi limitado sa nasasakupang teritoryo. Aniya, prinsipyo ang sandigan sa likod ng pag-alma ng Pilipinas.
DANGAL NG PINOY
Para naman kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang tindig ng Pilipinas “ay dapat nakabatay sa batas, katotohanan, at dangal ng sambayanang Pilipino — hindi sa takot.”
Binibigyang-diin ng think tank na dahil lumalawak ang galaw ng Tsina sa labas ng kanyang rehiyon, nagiging mahalagang balanse ang Pilipinas. Sa tuwing igigiit ang 2016 Arbitral Ruling – at sa tuwing tatablahin ang hirit ng China, mas lumalakas ang kaayusan sa Asya.
“Kung tayo ang bibigay, guguho ang balanse, kung tayo ang maninindigan, titibay ang rehiyon,” wika ni Goitia.
“Kapag ang isang bayan ay naninindigan sa tama, naririnig ito kahit sa malalayong lugar,” dugtong niya.
BATAS HINDI DAHAS
Hindi kailanman gumamit ng dahas ang Pilipinas para igiit ang tama. Kinilala ng isang pandaigdigang hukuman ang ating karapatan, at hindi iyon kayang palitan ng anumang panggigipit o pagbabanta.
“Kalmado tayo, pero hindi sumusuko, aniya pa. “Hindi sa lakas ng sigaw nasusukat ang tibay ng bansa. Sa paninindigan ito nakikita.”
Para kay Goitia, sadyang itinadhana ang Pilipinas sa gitna ng pangunahing ruta ng kalakalan at seguridad. Ito rin aniya ang dahilan kung bakit higit na mahalaga ang bawat desisyon ng Pilipinas — hindi lang sa Southeast Asia kundi pati sa mas malawak na mundo.
“Hindi natin hiningi ang papel na ito, ngunit hindi rin natin ito tatalikuran. Ang pagtatanggol sa ating karagatan ay paggalang sa mga ninunong nagbuwis ng buhay para sa ating bansa.”
TATAG NG TINDIG
Ayon sa ulat, hindi pabigla-bigla ang Pilipinas sa bawat hakbang — at lalong hindi kailanman magsisilbing mitsa ng tensyon Iginigiit lamang natin ang tama at patas na proseso.
Ang tunay na gulo ay nagmumula sa mga nagpapangalandakan ng lakas habang binabalewala ang batas na kinikilala ng buong mundo.
“Kapag malinaw ang katotohanan, ang pagiging matatag ay tapang. At ang tapang ay nagdadala ng respeto,” paalala ni Goitia
MENSAHE SA MUNDO
Ayon sa ulat, tungkulin ng mga bansa ipagtanggol ang kaayusang nakabatay sa batas. Mas payapa ang mundo kapag patas ang pagtingin sa malaki at maliit. Ngunit pag tinatapakan ang maliliit, nagsisimula ang kaguluhan.
“Ang pagsuporta sa Pilipinas ay hindi pakikipag-away. Ito ay pagtindig para sa mundong may batas at dangal,” dagdag ni Goitia.
Kahit ituloy pa umano ng China ang pag-angkin, hindi magpapatinag ang Pilipinas — mahinahon ngunit matibay, makatarungan at makatuwiran. Sa ganitong pagharap, ipagtatanggol natin ang rehiyon at ang kinabukasan ng ating bayan.
“Para ito sa mga batang Pilipinong darating pa. Maaaring lumakas ang mga alon, pero ang tapang ng Filipino ay hindi lumulubog,” aniya pa.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
