TILA hindi pa rin kumbinsido si former President Rodrigo Duterte na sangkot sa malaking sindikato ng droga ang kanyang dating presidential economic adviser.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm, hinamon ni Duterte si ACT Teachers partylist Rep. France Castro na sumama sa kanya para personal na masaksihan ang gagawin niyang pagpatay kay Yang — kung mapapatunayan sangkot kalakalan ng droga ang dating Kalihim.
“You will be a witness to a murder,” paandar ni Duterte.
Bago pa man ang sinambit na banta, tinanong ni Castro ang dating pangulo kung gaano kalalim ang kanyang pagkakakilala kay Yang.
“Si Michael Yang po ay kilala pong malapit sa inyo, kay Mr. Duterte, Mr. Chair. In fact, sa panahon po ni Mr. Duterte, in-appointed as economic manager. Nababanggit ng mga resource persons natin yung papel ni Mr. Yang sa kalakalan, sa droga. So, ang tanong ko po kay Mr. Duterte, Mr. Chair, gaano nyo po kilala si Michael Yang?”
Ayon kay Duterte, si Yang ang may-ari ng isang malaking establisyemento sa lungsod ng Davao.
“Ako ang nag-cut ng ribbon sa department store niya. And every businessman, whether ang background mo, kung saan ka galing na impyerno, if you want to have a picture with me, I will gladly oblige you. Even the criminals,” anang dating pangulo.
“Michael Yang is out there. He has not been arrested. Wala namang dossier na pinapakita sa akin, eh kung mayroon ako na ang pumatay, hindi na kailangan ang pulis. Ako na mismo ang papatay.”
Sagot naman ni Castro — “Hindi ko po gagawin yan, Mr. Chair, sumama sayo para pumatay.”
