
SA kabila ng posisyon ng Pangulo, nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sakaling lumabas ang warrant of arrest laban kay former President Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong inihain sa International Criminal Court (ICC) ng pamilya ng namatay sa giyera kontra droga ng dating administrasyon.
“No less than the former president has clearly stated na he will submit himself to the jurisdiction of ICC. So, personal niya itong take so kung meron man lalabas na warrant of arrest, at ang Interpol ay hihingi ng assistance sa atin. Then, like I said, the PNP is bound by the security protocol with respect to assistance to be provided with our foreign counterparts,” wika ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo.
Ayon kay Fajardo, hindi na bago ang pakikipagtulungan ng pambansang pulisya sa mga kahalintulad na kaso sa mga nakalipas na panahon.
“This will not be the first time for the PNP to extend assistance to our foreign counterparts in terms of arresting yung individual subjects, particularly yung mga red notices being issued by the Interpol. So, when the time comes na isi-seek yung ating assistance, PNP is ready to provide the necessary assistance,” anang tagapagsalita ng PNP.
Pakay ng isang imbestigasyon ng ICC si Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity sa likod ng madugong giyerang inilunsad ng dating pangulo sa panahon ng panunungkulan sa Palasyo.
Bago pa man naglabas ng pahayag ang PNP, una nang nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang maasahang tulong ang ICC sa gobyerno sakaling magpilit ang pandaigdigang husgado na imbestigahan si Duterte.
Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na hindi makikialam ang pamahalaan kung sinsero ang dating pangulo sa sinabing nakahanda siyang harapin ang imbestigasyon ng ICC kaugnay sa bintang na extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“If iyon ang good news to him, kay PRRD, then hindi kami haharang sa mga ICC. Di lang kami tutulong,” sambit ni Marcos.
Taong 2019 nang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.
Ani Marcos, hindi ang gobyerno ang magpapasya para kay Duterte kaugnay ng paghahabol ng ICC.
“Kung payag siya, makipag-usap siya or magpaimbestiga sa ICC nasa kanya na iyon. Wala na kami desisyon doon.”