ANG katapatan ng mga Pilipino ay dapat sa Pilipinas, at hindi sa ibang bansa.
Ito ang hamon ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson matapos muling kwenstyunin ang mga kakaibang kilos ng kapwa mambabatas na tila kumakatawan sa interes ng China.
“Dapat mahalin natin ang Pilipinas more than any country. Kung ano man ang at stake, Pilipino tayo. Dapat Pilipinas ang ating pinapangalagaan, hindi ang interest ng ibang bansa,” wika ni Lacson sa isang panayam sa DZRH radio.
Partikular na tinukoy ni Lacson na tumatayong chairman ng senate blue ribbon committee, ang mga kilos ni Sen. Rodante Marcoleta na unang nagtanong tungkol sa mga benepisyo para sa Pilipinas sa pag-aaplay bilang non-permanent member ng United Nations Security Council. Kasama sa permanent members ang US, UK, China, France, at Russia.
Ani Lacson, kahit bilang non-permanent member, magkakaroon ang Pilipinas ng mas malaking papel sa pagtataguyod ng pambansa at rehiyonal na interes, at magkakaroon ng mas aktibong partisipasyon sa mga diskusyon tungkol sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
“Definitely less than China’s gains in having a permanent seat but a non-permanent seat will give the Philippines greater diplomatic influence and opportunity to advance national and regional interests, ability to sponsor resolutions, not to mention international prestige,” anang senador sa isang post sa X nitong nakaraang linggo.
“Meron kang diplomatic influence maski papaano. Importante yan,” dagdag ni Lacson sa panayam ng DZRH.
Bahagi rin aniya ng pattern ni Marcoleta ang paulit-ulit na kinukwestyon ang mapa ng National Mapping and Resource Information Authority (Namria) sa West Philippine Sea sa kabila ng mga batas na nagtataguyod ng territorial integrity ng Pilipinas sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Kabilang sa mga naturang batas na tinukoy ni Lacson ang Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) at ang Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065) na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 2024
Hindi rin pinalampas ni Lacson ang pambabarako ni Marcoleta confirmation hearing ng defense committee ng Commission on Appointments para sa promosyon ng mga opisyal ng militar.
“Ang kanyang naratibo, naghahanap siya ng military general na sasang-ayon sa kanya. Syempre anong magagawa ng tao under scrutiny para ma-confirm? E i-invoke niya ang Section 20 hindi ma-confirm ang kawawang official pag di sumang-ayon sa kanya,: wika ni Lacson.
“Bina-badger mo ang testigo o resource person para sumang-ayon sa gusto mo. Anong motibo? Naghahanap ka ng para may ipagmalaki ka… military officer ito sumasang-ayon sa atin. Kaya tanong ko nga, ano ba audience mo? China?” ani Lacson.
Pati umano mga kapwa senador hindi nakaligtas sa istilo ni Marcoleta, tulad ng ginawa kay Senador Erwin Tulfo na tumatayong chairman ng Senate Foreign Relations Committee.
Giit ni Marcoleta, imbitahan ang mga kinatawan ng Namria at iba pang personalidad sa isang Senate hearing para kuwestiyunin ang mapa ng Pilipinas.
Sa kanyang privilege speech nitong Martes, binanggit din ni Lacson na maraming pahayag ni Marcoleta tungkol sa isyu ng WPS – kabilang ang pagkuwestyon sa pagtuklas at okupasyon ni Tomas Cloma sa Spratly Islands – ay kahawig ng mga pahayag ng China na nakalagay sa website ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ng China.
“Hindi na personal, para sa bayan na lang. Sino ba ang pinoprotektahan mo? Ano bang meron ang China sa iyo? Bakit ganyan ka, napaka-consistent mo?” tanong ni Lacson kay Marcoleta.
