SA gitna ng ulat hinggil sa umano’y banta sa kaligtasan ng testigo, pormal na hiniling ng isang kongresista sa House Committee on Justice na isailalim sa protective custody ang nakakulong na dating security aide ni Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Akbayan Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno si Ramil Madriaga na umano’y makailang ulit nang pinag tangkaan paslangin sa loob ng piitan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Hirit ni Diokno kay House Committee on Justice Chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, ilagay sa komite ang kustodiya ni Madriaga.
Sa isang liham, binigyan-diin ng Akbayan partylist solon ang kahalagahang matiyak ang kaligtasan at kahandaan humarap ng testigo sa impeachment proceedings laban sa bise-presidente.
Para kay Diokno, si Madriaga ay isang material witness sa impeachment charges na kinakaharap ni Duterte.
“May I also move that the custody of Mr. Ramil Lagunoy Madriaga, who appears to be a material witness in the impeachment proceedings against Vice President Sara Z. Duterte, be transferred to the Committee on Justice, to ensure his safety and availability to testify before the Committee at the proper time,” saad ni Diokno sa liham kay Luistro.
Hinimok din ni Diokno si ang committee chairperson agad na makakuha ng mga mahahalagang rekords o dokumento upang maayos na maisagawa ang pagbusisi sa mga ebidensya at maging batayan sa pagpapasya kung matibay ang mga alegasyon laban sa inaakusahan.
“To achieve this mandate and facilitate the proceedings, I respectfully move that subpoenae duces tecum be issued as follows,” giit pa niya.
Partikular na nais ni Diokno na makuha ng komite mula sa Office of the Ombudsman ang certified true copy ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte para sa taong 2022 hanggang 2025, 2007 hanggang 2013, at 2016 hanggang 2022.
Kinalampag din ni Diokno ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsumite sa House panel ang isang certification under oath para sa anumang records ng bank transactions ng bise-presidente, kasama na rin ang bank accounts na nakapangalan sa mag-asawang Sara Zimmerman Duterte at Manases “Mans” Reyes Carpio, gayundin ang mga accounts na nakapangalan kay Rodrigo Roa Duterte, at iba pang may kaugnayang accounts.
Dapat din aniyang makuha ang official records ng National Bureau of Investigation (NBI) sa resulta ng isinagawang pagsisiyasat hinggil sa pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at former Speaker Martin Romualdez.
