Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA pagpasok ng buwan ng Marso, magiging P500 na ang buwanang limitasyon sa diskwentong natatanggap ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery items at iba pang prime commodities tulad ng bigas, itlog, tinapay, at iba pa.
Ito ang ipinabatid ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos ang pulong kasama ang mga opisyales ng Department of Trade and Industry (DTI), sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez.
Ayon kay Romualdez, ang pagtataas sa discount limit, na katumbas ng P125 kada linggo o P500 kada buwan, ay kasabay na rin sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas patungkol naman sa P10,000 cash gift na ibibigay sa octogenarian at nonagenarian senior citizens.
Giit ng lider ng Kamara, ang naturang hakbang na pagkakaloob ng karagdagang benepisyo sa mga senior citizen at PWD ay pagpapakita lamang ng malaking malasakit at pagtupad sa pagnanais ni Pangulong Marcos na isulong ang pagkakapantay-pantay at matulungan ang mga nangangailangan.
Kaya naman tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy na makipag-ugnayan ang liderato ng Kamara sa administrasyong Marcos para mapabuti ang katayuan at kabuhayan ng buong sambayanang Pilipino.
