Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAS mapapadali umano ang pagpasok ng malalaki at marami pang foreign direct investments (FDIs) sa bansa kung aalisin ang mga restrictive economic provisions sa 1987 Constitution na balakid sa pamumuhunan ng mga dayuhan.
Ito ang binigyan-diin ng Joint Foreign Chambers of Commerce in the Philippines sa liham na kanilang ipinadala kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung saan ipinaalala rin nito na ang Pilipinas ay napag-iiwanan na umano sa hanay Southeast Asia countries pagdating sa pagkuha ng FDIs.
“We recognize the government’s mandate to protect vital national interests by placing some restrictions on FDI. In this respect, we note that most national economies use legislation or executive regulations to respond to such an important consideration,” ang nakasaad pa sa nasabing lihim ng JFC sa lider ng Kamara.
Ang JFC ay kinabibilangan ng kalipunan ng mga negosyante mula sa American, Australian-New Zealand, Canadian, European, Japanese at Korean kasama rin ang Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters.
Ayon sa respetadong samahan ng foreign business chambers, ang pagbibigay ng kapangyarihan sa lehislatura at ehekutibo na magtakda ng limitasyon ng mga dayuhang mamumuhunan sa halip na ilagay ito sa Konstitusyon ay magpapadali sa pagpapatupad ng pagbabago kung kakailanganin para maging angkop sa sitwasyong kinakaharap ng bansa at makasabay sa pangangailangan ng pandaigdigang ekonomiya.
Base sa 2023 ASEAN Investment Report, lumalabas na umakyat ng 5.5% ang pumasok na FDI sa rehiyon noong 2022, na katumbas ng halagang $224 billion kung saan 17% dito ay global FDI.
Ang stocks ng FDI naman sa ASEAN ay umabot sa $3.6 trillion noong 2022 – doble ng halagang naitala noong 2015.
Nakasaad rin sa naturang report na hindi umano nakinabang ang Pilipinas sa pagtaas ng FDI sa rehiyon, sa halip ay bumaba pa ang halaga nito.
Noong 2022, ang FDI sa Pilipinas ay naitala sa $9.2 billion na mas mababa kumpara sa $12 billion noong 2021.
Sinabi ng JFC na ang panukalang paglalagay ng “unless otherwise provided by law” sa pag-amyenda ng restrictive economic provisions ng 1987 Constitution ay makakatulong, bagama’t hindi makapagbibigay ng malakas na senyales sa mga dayuhang mamumuhunan.
Gayunpaman, mas mainam na umano ito kesa sa limitasyong nakasaad sa umiiral na Konstitusyon.
“Many of these developments emphasize the need for free movement of capital across borders and a level playing field between foreign and domestic investors without undue restrictions,” pagtatapos ng JFC.
