HINDI dapat ikabahala ni dating presidential spiritual adviser Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang kinatatakutang pagdakip bunsod ng mga kaso sa Estados Unidos.
Payo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Quiboloy, wag isnabin ang mga pagdinig ng Senado at Kamara, kasabay ng paalala sa bunga ng di pagdalo sa congressional hearing ng Senate Blue Ribbon Committee at House Committee on Legislative Franchises.
Para kay Duterte na kilalang malapit na kaibigan ng dating Pangulo, may garantiya sa umiiral na Saligang Batas – kalayaan at karapatan dedmahin ang Senado kasabay ng hirit na paalala sa kaakibat na pag-aresto.
Paglilinaw ni Duterte, hindi niya saklaw ang desisyon ng kaibigang religious leader – “Siya pa rin ang magde-desisyon kung dadalo o hindi sa Senado.”
Una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador dahil sa di pagsipot ni Quiboloy kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong panghahalay sa mga babaeng miyembro ng sektang pinamumunuan.
Nang tanungin hinggil sa palusot ni Quiboloy sa hindi pagsipot sa Senate hearing, walang hayagang posisyon ang dating Pangulo.
Sa isang voice message na inere kamakailan sa social media, pinaratangan ni Quiboloy si Pangulong Ferdinand Marcos at asawang si Atty. Liza Araneta ng pakikipagsabwatan sa Estados Unidos na di umano’y nasa likod ng planong pagpaslang sa kanya.
Gayunpaman, kumbinsido si Duterte na malayang makagalaw sa Pilipinas si Quiboloy. Paniwala ng dating Pangulo, masyadong maliit ang kaso ng KOJC founder para pagtuunan ng pansin ng Estados Unidos.
