Ni Lily Reyes
INILUNSAD kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang malawakang kampanya nito laban sa karahasan o gender-based sexual harassment na nararanasan sa mga pampublikong lugar at sasakyan.
Pinasinayaan ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III ang pagpapakilala sa Memorandum Circular No. 2023-016 na siyang tumutugon laban sa karahasan sa mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act.
Ayon kay Chairperson Guadiz, hindi lamang sa piling lugar nararapat isulong ang kampanya laban sa karahasan kundi maging sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.
“Modernized man o hindi, wala pong lugar sa ating mga pampublikong sasakyan ang anumang uri ng karahasan,” pahayag ni Guadiz. “Hindi kailanman magiging lisensya o prangkisa ang anumang katayuan mo sa iyong buhay o maging ang iyong gender para iparanas ang karahasan sa ating mga komyuter, operator, at tsuper ng mga pampublikong5 sasakyan,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-016 o ang “Implementation of Safe Spaces Act involving Public Land Transportation Services”, mariing kinukondena at ipinagbabawal ng ahensya ang anumang uri ng gender-based sexual harassment.
Kabilang dito ang pagmumura, catcalling, wolf-whistling, at iba pang misogynistic, transphobic, homophobic, o sexist na pahayag.
Kaugnay nito, ipinapaalala ng LTFRB na ang sinumang lumabag sa memorandum at sa batas hinggil sa Safe Spaces Act ay maaaring patawan ng multa o kaukulang parusa.
Karagdagang Balita
PAGDALO NI DIGONG, TABLADO NA SA QUAD COMM
PERA-PERANG POGO RAID, TATALUPAN NG KAMARA
BINAWING SUSPENSION ORDER VS. ERC CHIEF, FAKE NEWS?