MATAPOS magpositibo sa droga, tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 98 tsuper ng bus, ayon kay Assistant Secretary Vigor Mendoza.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Mendoza na tumatayong hepe ng LTO, ang mga tsuper ng bus na isinailalim sa drug test sa kasagsagan ng Semana Santa.
Higit pa sa pagbawi ng lisenya, pinatawan din ng perpetual disqualification ang mga tsuper ng bus, alinsunod na rin sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon.
Para kay Mendoza, higit na matimbang ang kaligtasan ng mga pasahero, kasabay ng giit na walang puwang sa kalsada, higit lalo’t humahawak ng manibela, ang mga gumagamit ng droga.
Paalala ng LTO chief, ang pagkuha ng driver’s license ay hindi isang karapatan bagkus ito ay isang pribilehiyo na binibigay ng pamahalaan sa ilalim ng kondisyon na dapat lamang na maging matino at responsableng driver ang mga aplikante. (LILY REYES)
