UNTI-unti nang lumilinaw ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa Chinese businessman na si Anson Que isang buwan na ang nakalipas matapos tukuyin ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang dambuhalang casino junket operators na umano’y tumanggap ng hindi bababa sa P200 milyong ransom mula sa pamilya ng biktima.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, partikular na tinukoy ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo ang 9 Dynasty Group at White Horse Club na pinasukan ng salaping nakalaan para tubusin si Anson Que mula sa mga kidnappers.
“Ang ransom money po na binayaran mula March 31 to April 8, 2025 ay dumaan sa dalawang junket operators, which is 9 Dynasty Group na pinaniniwalaang pag-aari ni Li Duan Wang (alyas Mark Ong) at White Horse Club,” wika ni Fajardo.
Kabilang si Li sa mga ginawaran ng Filipino citizenship sa bisa ng resolusyon na pinagtibay ng Senado at Kamara.
Gayunpaman, kinapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinagtibay na resolusyon matapos isiwalat ni Senador Risa Hontiveros ang tunay na pagkatao ni Li.
Limang suspek ang kinilala ng pulisya. Sa naturang bilang, tatlo na ang nasa ilalim ng kustodiya ng PNP — sina David Tan Liao, Richardo Austria, at Raymart Catequista. Patuloy naman ang pagtugis kina Jonin Lin at Wenli Gong na kilala rin sa pangalang Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling. (EDWIN MORENO)
