WALANG puwang sa ilalim ng Bagong Pilipinas ang katiwalian, ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista matapos sibakin sa pwesto si Land Transportation Office (LTO) Calabarzon Regional Director Cupido Gerry Asuncion kaugnay sa mga reklamong pangongotong.
Gayunpaman, mananatili sa Department of Transportation si Asuncion, batay sa Special Order 089 (series of 2024) na naglipat sa naturang opisyal sa Office of the Assistant Secretary ng kagawaran.
Para punan ang pwestong binakante ni Asuncion, hinirang bilang Officer-In-Charge (OIC) Regional Director ng LTO Calabarzon Regional Office si Zoj Daphne Usita-Angusta habang itinalag naman bilang Assistant Regional Director si Eugenio Diaz.
Inatasan din ni Bautista si Asuncion na ilipat sa kustodiya nni Usita-Angusta ang lahat ng official records at dokumento ng nasabing tanggapan.
Bago pa man tinanggap sa pwesto si Asuncion, naghain ng reklamo sa Presidential Action Center (PAC) ang mga driver at operator ng mga bus na pumapasada sa lalawigan ng Cavite.
Alegasyon ng mga nagreklamo, kinokotongan di umano sila ni Asuncion.
Samantala, inatasan din ng Palasyo si Bautista na maglunsad ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng tinaguriang tara system sa naturang ahensya.
