SINISI ng mga manggagawa sa sektor kalusugan ang Department of Health (DOH) na anila’y dahilan sa paglisan ng mga doktor, nars at iba pang medical professionals.
Ayon kay Ronald Richie Ignacio na tumatayong tagapagsalita ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP), pinapaasa lang ng DOH ang mga government healthcare workers na aniya’y patuloy na naghihintay sa health emergency allowances (HEA).
Buwan ng Pebrero nang magsagawa ng kabi-kabilang protesta ang iba’t ibang grupo ng healthcare workers na paulit-ulit na humiling sa DOH na ilabas ang pondong sadyang inilaan para sa kanilang allowance.
“Ang pondo ay nasa inyo na (DOH) mula noong Enero. Ano ang dahilan kung bakit hindi niyo ibigay ang HEA para sa mga manggagawa sa pribadong ospital?,” sambit ni Ignacio.
Batay sa mga dokumentong pinadala ng Department of Budget and Management (DBM) sa iba’t ibang news organizations, lumalabas na mahigit P91 billion na ang binitawan ng naturang ahensya sa DOH para bayaran ang HEA ng mga healthcare workers para sa nakalipas na tatlong taon.
Taong 2021 nang maglabas ang DBM ng P12.1 bilyon para mabayaran ang HEA, mahigit P28 bilyon noong 2022, P31.1 bilyon noong nakaraang taon, at P19.962 bilyon naman noong Enero ng kasalukuyang taon.
Sa mga naturang halaga, hindi pa umano kasama ang P2 bilyong sa ilalim ng unprogrammed appropriations kung saan huhugutin ang bahagi ng pagkakautang ng departamento sa mga healthcare workers.
