Ni ESTONG REYES
SA loob lang ng apat na buwan, isang bettor ang 36 beses kumubra ng panalo sa palarong lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong nakaraang taon, pagbubunyag ni Senador Raffy Tulfo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, inilatag ni Tulfo ang detalye ng isiniwalat na impormasyon. Aniya, walong ulit nagtungo sa tanggapan ng PCSO ang hindi pinangalanang bettor para lang sa buwan ng Hulyo. Sa tuwing pupunta aniya sa PCSO, bitbit na pauwi ang P225,000 premyo.
“Isa sa kanila halimbawa noong July 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8… eight times nanalo ng P225,000,” pambungad na patutsada kay PCSO General Manager Mel Robles.
Nang sumunod na buwan ng Agosto, siyam na ulit di umano nagpunta ang naturang bettor para kumuha ulit ng panalo. Sa bawat panalo, P225,000 din aniya ang premyo.
Gayundin ani Tulfo ang nangyari sa mga sumunod na buwan kung saan pabalik-balik di umano ang nasabing bettor sa PCSO para kunin ang P225,000 na halaga na katumbas sa bawat panalo – dalawa para sa buwan ng Setyembre, apat noong Oktubre at siyam nitong nakaraang Nobyembre.
Kapansin-pansin din ani Tulfo na doblado ang pinakahuling panalo ng naturang bettor sa kanyang huling tungtong sa tanggapan ng PCSO.
Sa kabuuan aniya, pumalo sa mahigit na P9 na milyon ang napanalunan ng nasabing mananaya.
“So this amounted to P8.3 million. Actually, nine point something million. So ano po ang probability na one person will hit many-many times in the period of six months with the same amount,” pasaring pa ni Tulfo kay Robles.
Palusot ni Robles, isang “lotto agent” na pinakiusapan ng mga waging bettor ang tinutukoy ng senador.
Pero sa halip na iharap ang sinasabing “lucky bettor,” agad na nag-alok si Robles ng video kung saan nagpaliwanag ang nasabing tao.
Itinanggi rin ni Robles ang naunang pagsisiwalat ni Tulfo hinggil sa lotto winner na 20 beses na nanalo sa loob lang ng isang buwan.
Bistado rin sa pagdinig ang irregularidad sa likod ng pag-rerelease ng panalo sa mga waging lotto bettors kahit walang naiprisinta na Tax Identification Numbers (TIN).
