NANINIWALA pa rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakamit ang P20 kada kilo ng bigas sa buong bansa.
Ito ang sinabi ni Marcos habang ipinamamahagi ang 1,500 sako ng mataas na kalidad ng bigas sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanyang pagbisita sa National Food Authority (NFA)-Region IX warehouse sa Zamboanga City.
“May chance lagi ‘yan. Kung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila,” sabi ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na ang pagbaba ng gastusin sa produksiyon ang susi upang bumaba rin ang presyo ng bigas. Ipinaliwanag nito na kapag bumaba ang production costs go down ay kasunod na ito ng pagbaba ng presyo ng bigas.
Kapag tumatag na umano ang sitwasyon sa gobyerno, mas madali nang maipatutupad ang kakailanganin pagbabago para maiangat ang buhay ng magsasaka.
Isa sa mga ipinangako ng Pangulo noon panahon ng kampanya ay ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 per kilo.
Gayunman, upang matupad ang pangarap na ito ay kailangang maiangat din ang produksiyon ng bigas.
Upang makatulong sa pangarap ng gobyerno, sinuportahan ng National Food Authority Council ang bagong presyo ng bigas. Ang wet palay prices ay naglalaro na ngayon sa presyo ng P16 hanggang P19 habang ang presyo ng dry palay ay itinakda ng mula P19 hanggang P23.
Inumpisahan ng gobyerno ang pagkontrol sa presyo ng bigas upang mapigil ang pagtatago sa mga ito ng mga mapagsamantalang negosyante.
Gayunman, naniniwala ang mga eksperto na makaapekto ito sa mga magsasaka at negosyante.