Ni Romeo Allan Butuyan
TINIYAK ni Speaker Martin Romualdez sa mga mangingisda mula sa Oriental Mindoro, partikular ang naapektuhan ng oil spill matapos ang paglubog ng MV Princess Empress, na makatatanggap sila ng cash aid at iba pang uri ng tulong mula sa gobyerno.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga lider ng iba’t-ibang fishermen’s group ng nabanggit na lalawigan kahapon, nagbitaw ng kanyang pangako si Romualdez na aasikasuhin ng kanyang tanggapan at ng Kamara ang pagkakaloob ng tig-P24,000 sa nasa 8,000 mangingisdang naapektuhan ang hanapbuhay bunsod ng naturang man-made disaster.
“Panimulang tulong lang ito na sapat sa dalawang buwan. Sa loob ng panahong ito, hahanap tayo ng paraan para makakuha naman ng pondo para sa mga alternative livelihood programs ninyo habang nililinis pa ang oil spill,” ang pahayag pa ng House Speaker.
“Kung kukulangin pa ito, tutulong din ang iba pang kasama ko dito sa House of Representatives para magtuloy-tuloy ang ayuda sa inyo habang hindi pa kayo nakababangon. Gagawin natin ang lahat para makabangon kayo sa trahedyang ito,” dugtong ni Romualdez.
Nabatid na ang nasabing P24,000 cash aid ay magmumula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) Matatandaan na ang TUPAD fund ay isinulong ng Kongreso at mayroon itong kaukulang badget na nakalaan sa ilalim ng taunang General Appropriations Act (GAA) kung saan pangunahing layunin nito ay magbigay ng nararapat na livelihood support sa mga disadvantaged at displaced Filipino worker.
Samantala, kasama ni Romualdez sa nabanggit na pakikipagpulong nito sa mga mangingisda mula sa Oriental Mindoro sina Majority Leader Mannix Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at Assistant Minority Leader Arlene Brosas. Nitong nakaraang Pebrero 28 nang lumubog sa karagatan sakop ng Naujan, Oriental Mindoro ang MV Princess Empress na may lulan na 800,000 liters of fuel oil at dahil dito, inulat na 193,436 individuals mula sa CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas ang apektado ng nangyaring massive oil spill.
Karagdagang Balita
1M BOTANTE BISTADO SA MULTIPLE REGISTRATION
PAOCC SPOX NANAMPAL, SINIBAK NG PALASYO
DEMOLITION JOB KONTRA KAMARA, INALMAHAN