
SA ika-15 pagkakataon mula nang naluklok sa Palasyo, nakatakdang bumiyahe ulit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang destinasyon, Jakarta sa bansang Indonesia.
Ayon kay Department of Foreign Affairs – Office of Asean Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, ang panibagong byahe ng Pangulo ay bilang tugon sa imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo na tumatayong chairman ng ASEAN ngayong taon.
Partikular na tinukoy ni Espiritu ang 43rd ASEAN Summit and Related summits na nakatakdang idaos sa susunod na linggo.
Para sa DFA official, lubhang mahalaga ang pagdalo ni Marcos sa 43rd ASEAN Summit kung saan aniya itutuloy ang talakayan sa mga napag-usapan sa 32nd Asean summit na ginanap noong Mayo 2023 sa Bajo, Indonesia.
Kabilang umano sa inaasahang isusulong ng Pangulo ang interes ng Pilipinas sa usapin ng seguridad sa pagkain at enerhiya, pagtugon sa epekto ng climate change, proteksyon ng migrant workers, post-pandemic recovery, digital at creative industries, MSMEs at international order.
Isusulong din umano ng Pangulo ang paglaban sa human trafficking at ang usapin sa South China Sea.
Inaasahan naman ani Espiritu na maninindigan si Pangulong Marcos sa posisyon ng Pilipinas kaugnay ng freedom of navigation sa South China Sea alinsunod sa international law.
Pasok din aniya ang usapin sa Ukraine at Myanmar at ang mga nagaganap na geopolitical rivalries sa Indo-Pacific region.
Maliban sa mga naturang adyenda, isusulong din umano ng Pangulo ang kalakalan at pamumuhunan. Walang binanggit ang opisyal tungkol sa Maharlika Investment Fund.