PARA kay dating Philippine National Police (PNP) director-general at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa, napapanahon nang ibalik ang paggamit ng batuta ng mga pulis sa tuwing sasabak sa operasyon.
Bukod aniya sa batuta, dapat ‘armado’ rin ng pito ang mga kagawad ng pulisya.
Naniniwala ang senador na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nag-iimbestiga sa pagpatay sa isang menor-de-edad sa isinagawang operasyon ng Navotas PNP, huling baraha dapat ng mga pulis ang pagbunot ng baril.
Sa nasabing pagdinig, nabatid ng senador na walang ibang “non-lethal” (hindi nakakamatay) na gamit ang mga pulis.
Sa tingin ng senador, ito ang dahilan kaya diretsong gumagamit ng baril ang mga pulis para pasukuin ang isang suspek at wala silang ibang opsyon na maliban sa dala nilang armas.
Mungkahi ni Dela Rosa, bigyan ng batuta at pito ang mga pulis.
Sa usapin ng paggamit ng pito, kumbinsido rin aniya siya na senyales ng orotidad ang pagpito sa halip na warning shot o direktang pag-asinta ng suspek na puntirya.