
INALMAHAN ng Pilipinas ang paglalabas ng China ng kanilang bagong mapa kung saan hayagang sinakop ang bahagi ng karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Espiritu, naghain na ng diplomatic protest ang kagawaran kaugnay ng aniya’y hayagang pag-angkin ng West Philippine Sea, batay sa 2023 version ng 10-dash standard map ng bansang China.
Bukod sa West Philippine Sea, kabilang rin sa nakapaloob sa 2023 version ng 10-dash standard map ng bansang China ang mga exclusive economic zone ng Malaysia, Brunei, Vietnam at Indonesia.
“This latest attempt to legitimize China’s purported sovereignty and jurisdiction over Philippine features and maritime zones has no basis under international law, particularly the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” saad sa isang bahagi ng pahayag ng DFA.
Muling pinaalala ng kagawaran sa China ang ang 2016 Arbitral Award ay nagpapatunay na mali ang pag-aangkin ng Beijing sa pinag-aagawang teritoryo na sakop ng nine-dash line.
Nanawagan din ang DFA sa China na maging responsable kasabay ng mungkahing igalang ang obligasyon sa ilalim ng UNCLOS at sundin ang 2016 arbitral ruling.