PARA kay House Speaker Faustino Dy III, dapat laging unahin ang kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino sa bisa ng mas pinalakas na local disaster preparedness at risk-based planning.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Speaker Dy ang mga lugar na nahaharap sa banta ng lindol, pagguho ng lupa at baha.
“Kapag may bagyo, nakakapag handa tayo kung gaano kalakas ‘yung bagyo o typhoon. Pero pagdating ng earthquake, importante lamang malaman natin kung nasaan yung sentro, kung san tatama. Para sa ganun, ang pagpaplano ng local government unit ay maisaayos,” wika ni Dy.
Giit ng lider ng Kamara, ang mga lokal na pamahalaan ang siyang dapat nakatutok sa lahat ng panganib na nakaamba sa bawat komunidad na kanilang nasasakupan, para na rin makapagsagawa ng kaukulang hakbang para mailayo sa kapahamakan ang mga mamamayan.
“Katulad na kung halimbawa ay ‘yan ay prone sa hindi lang sa earthquake kundi sa landslide, prone sa flood, para sa ganun makaiwas tayo sa mga aksidente. At sana, laging unahin natin ang kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino,” dagdag ng lider-kongresista.
Inilabas ng tanggapan ni Dy ang pahayag matapos na magsagawa ang ilang miyembro ng Kamara ng damage assessment at maghatid din ng tulong sa General Santos City at Sarangani province, na kabilang sa mga lubhang apektado ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa Mindanao region.
Tiniyak din ni Dy ang mga opisyal at residente sa mga apektadong rehiyon na kikilos ang Kamara para matiyak ang mabilis na pagbangon ng bawat komunidad at pamilya na biktima ng naturang kalamidad.
Kabilang sa tulong na ibinahagi ng liderato ni Dy ang pagsagot sa gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan indibidwal maging sila man ay nasa public o private hospital, gayundin ang paglalaan ng kinakailangang pondo para sa rehabilitation efforts ng mga nasirang pasilidad at imprastraktura.
“Kami po ay nakikiisa at nakikiramay at makakaasa po kayo sa amin pong patuloy na pagtulong para matiyak na makabangon po tayo ng sabay-sabay sa problema na ‘to,” sabi pa ni Speaker Dy.
“Ang importante po dito, bilang mga Pilipino, maging matibay po tayo. Babangon po tayo, sama-sama. Ito po yung importante, yung kooperasyon at tulungan ng bawat isa.”
