SA dami ng kasong kinakaharap ni suspended Bamban Mayor Alice Guo, hindi malayong nakapuslit na palabas ng bansa ang kontrobersyal na alkaldeng pinaniniwalaang nasa likod ng scam farm sa illegal POGO hub na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission noong buwan ng Marso.
Sa isang panayam sa radyo, nagpahayag ng agam-agam si Senador Sherwin Gatchalian sa pagsipot ni Mayor Guo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Hulyo 29 ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Base impormasyon ng Bureau of Immigration (BI), posibleng gumamit si Mayor Guo ng Chinese passport, lalo pa’t wala naman anilang nakatalang paglisan ang pangalang ginamit ng alkalde sa kanyang birth certificate – bagay na inayunan ni Gatchalian.
“Naniniwala ako na meron siyang (Guo) Chinese passport… baka yun ang ginamit niya para makatakas,” ani Gatchalian.
Nauna nang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisang tao lang ang passport na may pangalang Alice Guo at Chinese passport holder na Guo Hua Ping.
Sa rekord ng BI, Chinese passport ang ginamit ni Guo – alyas Guo Hua Ping sa mga biyahe palabas at pabalik ng Pilipinas mula taong 2008 hanggang 2011.
Naniniwala naman si Atty. Stephen David, abogado ni Guo, na nasa Pilipinas pa ang suspendidong alkalde.
Bukod sa kontrobersyal na mayor, target din ng Senate Sergeant-of-Arms ang buong pamilya Guo, at pork barrel scam convict Dennis Cunanan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality dahil sa hindi pagsipot sa nakaraang dalawang hearing ng komite.
