HINDI bababa sa 83,000 first-level position sa pamahalaan ang binuksan ng Civil Service Commission (CSC) para sa mga senior high school (SHS) graduates.
Gayunpaman, nilinaw ng CSC na kailangan muna maipasa ng aplikante ang pagsusulit sa ilalim ng kategorya ng “sub-professional.”
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa P4.19 bilyong panukalang budget ng CSC para sa 2026, ibinahagi ni CSC Chairperson Marilyn Yap ang mga pagbabago sa panuntunan para sa mga entry-level position.
Sa kabila ng pinagtibay na polisiya, inamin din ni Yap na marami pa rin ahensya ng pamahalaan ang hindi tumatalima sa panuntunan.
“Although there is also the cultural thing. Ang karamihan ng ahensya natin, ang preference pa rin, [college] graduates. Yun ang masakit. Unless we do some affirmative action and ask and tell them, could you please hire at least these people for these [positions]?” wika ni Yap.
Ayon sa CSC, ang first-level positions ay mga trabaho tulad ng clerical, trades, crafts, at custodial services na hindi nangangailangan ng professional license o mataas na antas ng edukasyon.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500229, kinikilala ang mga Junior High School (JHS) at SHS graduates na kuwalipikado para sa first-level positions, hangga’t natutugunan ang iba pang rekisito tulad ng kaukulang training, karanasan, at eligibility. (ESTONG REYES)
